PANAWAGAN NG KAPP UKOL SA PAGBIBIGAY PRAYORIDAD SA PAGTATAPOS NG PALMA HALL PAVILION 4 AT LLAMAS HALL
PANAWAGAN NG KAPP UKOL SA PAGBIBIGAY PRAYORIDAD SA PAGTATAPOS NG PALMA HALL PAVILION 4 AT LLAMAS HALL
Higit walong taon na ang nagdaan mula nang masunog ang UP Diliman Faculty Center (FC), ngunit malinaw na hindi naging prayoridad ng UP ang pagbibigay ng permanenteng espasyo sa mga kaguruang naapektuhan ng sunog. Nakikiisa ang Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya sa panawagan ng Department of English and Comparative Literature at ng Kolehiyo ng Arte at Literatura para magkaroon ng angkop, ligtas, at disenteng espasyo para sa ating kaguruan.
Kabilang ang Departamento ng Linggwistiks at Antropolohiya ng aming Kolehiyo sa patuloy na nagtitiis sa pansamantalang espasyong ibinigay sa kanila simula nang masunog ang FC. Hanggang sa kasalukuyan ay nagsisiksikan sa iilang opisina ang humigit kumulang animnapung guro at kawani, walang disenteng lugar upang tumanggap ng mga mag-aaral at mga panauhin, at lalo pang sumisikip ang mga pansamantalang opisina dahil sa lumalagong bilang ng materyales na tinatanggap mula sa mga partner na unibersidad at institusyon sa iba't ibang panig ng daigdig.
Bagama’t gumagawa kami ng sariling paraan upang maibsan ang pangangailangan sa espasyo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng aming mga silid-aralan at opisina sa mga apektado ng sunog at panghihiram mula sa ibang Kolehiyo ng mga pansamantalang espasyo sa mga panahon ng pangangailangan, hindi dapat iasa ng administrasyon sa bayanihan, sariling diskarte, at katatagan ng kaguruan upang maitawid ng mga institusyon ang pang-araw-araw na kalbaryo nito. Bagkus, ang administrasyon ang siyang dapat na manguna upang matugunan ang mga pangangailangan ng kaniyang mga kasamahan sa pamantasan.
Nakababahalang ang inaakalang mabilis na renobasyon ng Palma Hall Pavilion 4 at Llamas Hall ay sasaklaw sa tatlong administrasyong Tan, Nemenzo, at Vistan. Nagsimula lamang ang renobasyon noong 2019, tatlong taon matapos ang pagkasunog ng FC. Ipinangako ng mga nakaraang administrasyon na matatapos ang gusali sa loob lamang ng anim na buwan. Ngayon, limang taon na ang nakalilipas, ngunit ang dapat na mabilisang renobasyon ay malayo pa ring matapos.
Dahil ubos na ang budget para sa proyekto, napilitan ang KAPP na tanggapin ang gusali sa kasalukuyan nitong kalagayan: naluluma na kahit malayo pa sa kumpleto, walang kuryente, hindi angkop at buo ang mga pasilidad, at hindi tiyak ang seguridad. Sa kabila ng ipinangakong turnover noong Nobyembre 2023, tila walang pag-usad sa proyekto, at nananatiling nanlilimos ang KAPP para sa updates tungkol dito.
Katulad ng KAL, nananawagan ang KAPP na bigyang prayoridad ang pagtapos ng konstruksyon ng mga opisina para sa mga naging biktima ng pagkasunog ng FC:
• Bigyang katiyakan ang petsa ng turnover ng Pavilion 4 at Llamas Hall;
• Suportahan ng administrasyong Vistan sa paraang pinansiyal at administratibo ang mga natitirang gawain para sa gusali hanggang makalipat ang mga Departamento; at
• Bigyan ng regular na update ang mga yunit ukol sa estado ng proyekto.
Lubhang mahalaga ang pagkakaroon ng espasyo sa loob ng isang unibersidad. Ito ang nagsisilbing lunan kung saan malaya at produktibong natutupad ng mga kasapi ng pamantasan ang mga tungkulin nitong magturo, manaliksik, at magsagawa ng serbisyo-publiko habang itinataguyod ang mandato at adhikain ng institusyong kanilang kinabibilangan. Ang tila pagsasantabi sa batayang pangangailangang ito ng aming Kolehiyo upang maisakatuparan ang aming mandato ay nagpapahiwatig na hindi nabigyang-importansiya ng mga nagdaang administrasyon ang aming institusyon bilang integral na kasapi ng komunidad ng UP Diliman.
Bigyan ng kagyat na prayoridad at atensyon ang Pavilion 4 at Llamas Hall! Ito ang aming panawagan.