UP Diliman Arts and Culture Festival (DACF) 2024: Pamamalagi at Pamamahagi.
UP Diliman Arts and Culture Festival (DACF) 2024: Pamamalagi at Pamamahagi.
Bilang paggunita sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, bubuksan ng UPD Office for Initiatives in Culture and the Arts (UPD-OICA) ang eksibisyong “Proklamasyon, Kontra-Proklamasyon: Mga Diskursong Midya Hinggil sa Batas Militar” sa ika-20 ng Pebrero sa lobby ng Bulwagang Palma. Ito ay tatakbo hanggang ika-29 ng buwang ito.
Itatanghal sa eksibisyon ang mga pagsasatinig ng midya ukol sa panahon ng Batas Militar, sa porma ng balita, larawan, bidyo, at iba pang materyales. May ilan ditong mula sa panahong iyon na nagtatanggol at nagpapalayaw pa nga sa pangangailangan sa proklamasyon nito. Samantala, karamihan ay naglalaman ng mga pagbubunyag matapos ng diktadura, mga kontra-proklamasyon hinggil sa madilim, marahas, at masaklap na bahagi ng kasaysayang mananatiling totoo anumang panahon. Layon ng eksibit na palakasin at pasidhiin ang mga diskurso na ito na patuloy na binabaluktot at binubura ng mga may kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kasinungalingan at disimpormasyon.
Ang proyekto ay nabuo sa pamamagitan ng suporta ng UP President's Committee on Culture and the Arts (PCCA) at ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (CSSP).