Pahayag ng Kaguruan ng UP Departamento ng Agham Pampulitika sa ika-50 Anibersaryo ng Batas Militar sa Pilipinas
Pahayag ng Kaguruan ng UP Departamento ng Agham Pampulitika sa ika-50 Anibersaryo ng Batas Militar sa Pilipinas
Published by UPD POLSC on
Kami, ang mga nakalagdang miyembro ng kaguruan ng Unibersidad ng Pilipinas Departamento ng Agham Pampulitika, ay nakikiisa sa buong bansa sa paggunita sa deklarasyon ng Batas Militar. Tungkulin naming alalahanin yaong mga nais kalimutan at baluktutin ng iba, gayundin ang manatiling mapagbantay sa mga bagong anyo ng awtoritaryanismo na nagpapahina sa demokrasya ng Pilipinas ngayon.
Limampung taon na ang nakararaan nang ideklara ni Presidente Ferdinand E. Marcos Sr. ang batas militar. Dagling itinigil ng kanyang diktador na rehimen ang demokrasyang konstitusyonal. Ipinasara ang kongreso at sinuspinde ang mga halalan. Ang mga institusyong pulitikal ay ginamit bilang mga instrumento sa lalong pagpapalakas ng kapangyarihan ni Marcos Sr. Sinuspinde ang writ of habeas corpus at binigyan ang militar ng malawak na punsyon para arestuhin at ikulong ang sinumang mapaghinalaang anti-gubyerno o subersibo, kabilang na ang mga akademik, mga estudyante, at mga mamamahayag. Lalong nakompromiso ang independensiya ng hudikatura sa pagkawala ng seguridad sa tenyur ng mga huwes at mahistrado. Sinupil, kung hindi man ganap na binura ang mga independienteng midya at lipunang sibil habang nangibabaw sa masmidya ang propaganda ng gubyerno. Ninakaw ng diktaduryang Marcos ang pinakamahahalagang yaman natin: kalayaan sa pananalita, kalayaan sa asembliya, at soberanyang popular. Sa kawalan ng transparensi at pananagutan sa publiko, nagawa ng pamilyang Marcos at ng kanilang mga kroni na magnakaw sa kaban ng bayan, sa pinaka-kasuklam-suklam na kaso ng pandarambong na nasaksihan ng bayang ito, na nag-iwan ng ating ekomiya sa mga guho.
Ano ang mga naging bunga? Ayon sa Task Force Detainees of the Philippines, 6,672 katao ang inaresto habang 444 indibidwal ang sapilitang iwinala. May 1,365 na biktima ng ekstrahudisyal na pagpatay o pag-salvage, at 968 ang minasaker. Sa kalahatan, nakapagtukoy ang Human Rights Victims’ Claims Board ng 11,103 lehitimong mga kaso ng samu’t saring paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng batas militar.
Sobra pa ang awtoritaryanismo ni Marcos Sr. sa mga numerong ito, na naglalarawan ng lawak ng sakit na tiniis ng mga Pilipino sa ilalim ng batas militar. Naging biktima rin ang aming mga katrabaho at mga estudyante. Totoong buháy na karanasan ang batas militar para sa marami sa atin. Nagdulot din ng panganib at karahasan sa unibersidad ang karahasan kasama na ang pilit na pinatahimik ang disensiyon at sinagkaan ang kalayaang akademiko.
Ginugunita namin ang 50 taon buhat nang nakawin sa atin ang ating mga kalayaan at pahinain ang ating mga institusyon at mga proseso, upang kolektibo nating maalala ang lagim na masaksihan ang pagpanaw ng ating demokrasya, at tulungan ang nakababatang henerasyon na unawain ang aming suklam sa diktadurya. Krusyal ito sa kasalukuyang pulitikal na kapaligiran, kung saan binabalaluktot ang mga institusyon ng estado ang katotohanan sa batas militar. Pinoprotesta namin ang sadyang pagtanggi na si Marcos Sr. ay isang diktador. Tungkulin namin bilang mga iskolar na ipaalala sa mamamayang Pilipino ang pawang katotohanan.
Sa mga tinatanggap na sukatan ng kalidad ng demokrasya, matatanto ang mabilis na pagbagsak ng demokrasya simula 2016. Dinistrungka ang mga proteksyon sa karapatang sibil at kalayaang pulitikal, gayundin ang demokratikong checks and balances na pumipigil sa pag-alagwa ng kapangyarihang ehekutibo. Maaaring sabihing nananatiling malaya at patas pa rin ang mga eleksyon, ngunit hindi eleksyon lamang ang saligan ng demokrasya. Nakompromiso na ang independensiya at mga punsyon ng checks and balances ng lehislatura at hudikatura, na pinalakas ng Konstitusyong 1987. Sa ating pag-alala sa mga karahasan ng batas militar, kailangan din nating kilalanin na ang mga demokrasya’y kayang pahinain ng mga paraang di-lantarang malupit. Kahit hindi magpataw ng batas militar, maaaring pahinain na lamang ang mga demokratikong sangga tulad ng ginawa ng sinundang administrasyon. Nilagay nito ang bansa sa kondisyong nagpalusot sa kurapsyon at sistemikong paglabag sa karapatang pantao ng kanyang ama at sinundang pangulo.
Kasabay nito ay ang pag-usbong ng mga bagong anyo ng karahasan tulad ng disimpormasyon at mga pagbabantang online na nagdudulot ng takot at pumipigil sa disensiyon, na humihikayat sa iba at nagpapatahimik naman sa iba. Ngunit ang pagbaluktot at pagbura sa katotohanan at alaala ang pinakamapaminsala sa mga karahasang ito, dahil mistulang banayad ngunit malalim kung sumira sa kaayusang pulitikal at panlipunan. Ang demokrasya naman ay laging kailangang pagtrabahuhan, ngunit mahalagang itatag ang ating kolektibong gunita sa katotohanan, upang magawa nating lagpasan ang mga sagka sa daan.
Pinagpupugayan namin ang Unibersidad ng Pilipinas at iba pang mga unibersidad, mga asosasyong akademiko, ang Komisyon sa Karapatang Pantao, mga grupong lipunang sibil, manunulat, artista, manlilikha ng pelikula, arkibistang digital, at iba pa, na ang mga pagsisikap ay tungo sa pagpapa-alala at pagtututo ng lipunan mula sa ating mga karanasan sa nakaraang limang dekada.
Ipinananawagan namin sa gubyerno ng Pilipinas na igalang ang alaala at mga biktima ng batas militar, at na ituloy ang pagpapatayo ng Martial Law Museum sa campus ng UP Diliman.
Bilang haligi ng akademikong disiplina ng agham pampulitika sa bansa, nananatili ang aming pangako na maghatid ng instruksyon, magsagawa ng pananaliksik, at mag-abot ng serbisyo publiko na nagtatanggol sa ating demokratikong mga institusyon, kolektibong alaala, at panlipunang hustisya.
Lagi naming aalalahanin. Hindi kami makakalimot kailanman.
MGA KASAPI NG KAGURUAN NG DEPARTAMENTO NG AGHAM PAMPULITIKA, UNIBERSIDAD NG PILIPINAS, DILIMAN, LUNGSOD QUEZON 1101
Nakalagda:
- Aries A. Arugay
- Maria Ela L. Atienza
- Dennis V. Blanco
- Francis Joseph A. Dee
- Teresa S. Encarnacion Tadem
- Jean Encinas-Franco
- Luis Gabriel Alfonso R. Estrada
- Perlita M. Frago-Marasigan
- Enrico V. Gloria
- Jan Robert R Go
- Sol Iglesias
- Herman Joseph S. Kraft
- Liza Lansang-Espinoza
- Ruth Lusterio-Rico
- Aaron Abel T. Mallari
- Marielle Y. Marcaida
- Maria Elize H. Mendoza
- Matthew Manuelito S. Miranda
- Jaime B. Naval
- Jalton G. Taguibao
- Maria Thaemar C. Tana
- Aletheia Kerygma B. Valenciano
For the English version of the statement, click here.